CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang pagsisiyasat ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection o BFP Santiago City kaugnay sa pagkasunog ng isang residential house sa Barangay Buenavista, Santiago City, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO3 Dianne Daphne Bruno, tagapagsalita ng Bureau of Fire Protection Santiago City, sinabi niya na ala una ng madaling araw nang naiparating sa kanila ang nangyayaring sunog sa bahay ni Ginoog Jesus Martinez.
Agad naman nila itong nirespondehan ngunit naapula na ang apoy nang sila ay makarating sa lugar dahil na rin sa pagtutulungan ng kanilang mga kapit-bahay.
Hindi naman nasunog ang kabuuan ng bahay at tinatayang nasa 28 square meters lamang ang natupok ng apoy.
Wala naman ang may-ari ng bahay nang maganap ang insidente ngunit dahil sa maagap ang mga kapit-bahay nito ay agad na naapula ang apoy gamit ang fire extinguisher at timba ng tubig dahilan kaya’t hindi na nadamay pa ang mga katabing bahay nito.
Nagpapatuloy naman ang isinasagawa nilang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng sunog.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na ugaliing suriin ang bahay bago umalis at siguruhing walang maiiwan na maaaring pagmulan ng sunog.
Samantala, dumadalaw naman ang mga kawani ng BFP Santiago City sa mga barangay pangunahin sa mga lugar na magkakadikit ang mga kabahayan upang masuri ang mga maaaring pagmulan ng sunog at mapaalalahanan ang publiko.
Mayroon naman aniyang Community Fire Auxilliary Group ang bawat barangay sa lungsod na nagsisilbing force multipliers na may sapat na kaalaman at kakayahan sa pagsugpo ng sunog.
Samantala, sa darating na Marso 4 ay makikibahagi ang Barangay Balintocatoc, Santiago City sa Regional Fire Olympics na gaganapin sa Lungsod ng Ilagan.
Sa pagsisimula ng Fire Prevention Month sa buwan ng Marso ay kabi-kabilaan ang mga aktibidad na isasagawa ng BFP Santiago tulad na lamang ng Fire Square Road Show, Fun Bike at at iba pa.
The post Sanhi ng pagkasunog ng isang bahay sa Santiago City, patuloy na sinisiyasat ng BFP appeared first on Bombo Radyo Cauayan.